paninibughong nagsakatawang-tao

kahit ang kalungkutan, dapat pinagsasaluhan. makiisa sa pagdiriwang ng pighati at kasawian.

Friday, December 03, 2004

Nang Gabing Inagaw ng Buwan ang Lahat

Sa gabing ito
ay iyo
ang lahat ng mata ng mundo.

Lantad na pusakal
na dumukwal
sa liwanag ng kinapal,

nananadya mong pinukaw
ang abot-tanaw
ng balintataw;

mulagat mong hinayaan
ang pagnanakawan
sa makislap na lansangan.

Nagkupitan
at nag-agawan
ang mahahabang daan,

bawat bumbilya
at karatula,
biguang tinangka

ang mangibabaw
sa ilaw
na di sana'y mapusyaw.

Subalit naghari
ang mapait mong ngiti.
Lahat ay nangimi,

nanliit at napahiya.
Sinong mag-aakala
na ang umaga'y gabi pala,

apoy na hiram
naiparamdam
sa bawat napaparam.

Sa gabing ito,
lahat ay iyo
ngunit di kuntento

ang isang ako.
Nagsusumamo
ang buong pagkatao:

agawin mo rin sana
('wag magtitira)
ang puso kong nagdurusa.

-jnpt-

1 Comments:

  • At 12:01 AM, Anonymous Anonymous said…

    This comment has been removed by a blog administrator.

     

Post a Comment

<< Home